Psalms 28

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

1Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
2Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
3Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5Binalewala nila ang inyong mga gawa.
Gaya ng lumang gusali,
gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
6Purihin kayo, Panginoon,
dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
7Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.
Copyright information for TglASD